Kinumpirma ng direktor ng AI-Shifa Hospital, na 21 batang Palestinian ang namatay sa gutom at malnutrisyon sa nakalipas lang na tatlong araw.
Ayon kay Dr. Mohammed Abu Salmiya, dumarami ang mga kasong nauugnay sa gutom sa mga natitirang ospital sa Gaza.
Ito’y bunsod aniya ng patuloy na kakulangan sa pagkain at gamot sa gitna ng walang humpay na opensiba ng Israel.
Simula kasi nang buwagin ang tigil-putukan noong Marso, muling isinailalim ang Gaza sa complete blockade, kung saan limitado lang ang nakakapasok na tulong simula noong buwan ng Mayo ng taong ito.
Batay sa UN, mahigit 1,000 Palestino na ang napatay habang sinusubukang kumuha ng ayuda, karamihan din umano dito ay malapit sa mga lugar na pinangangasiwaan ng Gaza Humanitarian Foundation (GHF).
Samantala, sinabi naman ng World Health Organization na pinasok umano ng Israeli forces ang isa sa kanilang pasilidad at inaresto ang ilang staff nito.
Iniulat din ng Ministry of Health ng Gaza na higit 59,000 na ang nasawi mula nang magsimula ang digmaan noong Oktubre 2023.