Inihayag ng Norwegian Refugee Council (NRC), isa sa pinakamalalaking independent relief organizations sa Gaza, na ubos na ang kanilang suplay ng tulong at may ilan sa kanilang mga staff na nagugutom na rin, ayon sa panayam ng Reuters noong Hulyo 22.
Ayon kay Jan Egeland, secretary general ng council, ang kanilang huling relief ay ang food parcel na kanila naring naipamahagi.
Binubuo ng 66 na staff ang nasa Gaza —64 dito ay mga Palestinian at 2 foreigner —na kasalukuyang hirap sa operasyon dahil sa kawalan ng suplay ng pagkain.
Bukod dito nauubos na rin umano ang kanilang suplay ng malinis na inuming tubig dahil sa kakulangan ng fuel para sa desalination plants na nagsusuplay sa mahigit 100,000 tao sa Gaza.
Anila, sa loob ng 145 araw ay hindi sila nakapagpasok ng pagkain, tubig, gamot, at gamit sa edukasyon sa Gaza dahil sa panghaharang ng mga Israeli military.
Iginiit ng NRC na daan-daang trak ng tulong ang naipit sa mga bodega sa Egypt at iba pang lugar.
Samantala itinanggi ng Israel na pinipigilan nila ang pagpasok ng tulong. Ayon sa kanila, higit 4,500 aid trucks na ang nakapasok sa Gaza nitong dalawang buwan, ngunit marami ang hindi pa kinukuha sa mga border.
Ipinabatid naman ng isang opisyal ng Israel na pinayagan na ng Israel ang pagpasok ng kalahating milyong litro ng fuel para sa mga humanitarian operation, ngunit nananatili ang isyu sa distribusyon.