-- Advertisements --

Iniulat ni US Ambassador to Israel Mike Huckabee nitong Lunes na bahagyang nasira ang gusali ng US Embassy branch sa Tel Aviv matapos ang tumama ang Iranian missile malapit sa kanilang lugar, ngunit tiniyak niyang walang nasaktang personnel.

Matatandaang naganap ang pag-atake matapos bombahin ng Israel ang mga military target sa loob ng Iran, kung saan maraming mataas na opisyal at siyentipiko ang umano’y napatay dahilan para gumanti ang Iran ng sunud-sunod na missile strikes sa iba’t ibang lungsod ng Israel, kabilang ang Tel Aviv.

Pansamantalang isinara muna ang US Embassy sa Jerusalem, habang naka-alerto pa rin at umiiral ang “shelter in place” order para sa mga empleyado.

Samantala nabatid na isang mataas na opisyal ng US ang nagsabing pinigilan ni US President Donald Trump ang plano ng Israel na patayin si Iranian Supreme Leader Ayatollah Ali Khamenei.

Nababahala naman ang mga eksperto na ang kasalukuyang tensyon ay maaaring humantong sa mas malawak na digmaan sa Middle East.