durant
Kevin Durant/ Photo courtesy of NBA

Kumpiyansa si Golden State head coach Steve Kerr na makakapaglaro na sa conference finals si NBA superstar Kevin Durant sakaling maisara na nila sa Game 6 ang kanilang serye ng Houston Rockets.

Bago ito, nagtamo ng right calf strain si Durant nitong Game 5, at inaunsyo ng team na hindi na raw ito makakalahok pa sa nalalabing mga laro ng Warriors sa semifinals.

Ayon kay Kerr, bagama’t dismayado sila sa nangyari, hindi naman na raw bago kay Durant na magkaroon ng ganitong injury kaya tiwala silang magiging mabilis ang paggaling nito.

Positibo rin si Kerr na makakahanap sila ng paraan upang tuluyan nang ilaglag ang Houston at umabanse muli sa Western finals.

“It’s the playoffs, it’s the ultimate test,” wika ni Kerr. “We’re in a great spot, we’re up 3-2. Got championship rings on our fingers. Lot of experience and a lot of confidence that comes from that. So let’s go out there and let it rip.”

Kasalukuyang hawak ng defending champions ang 3-2 lead sa serye at tatangkain nilang sibakin na ang Rockets sa Game 6 na gaganapin sa Houston sa araw ng Sabado.