Tiniyak ng Kapisanan ng mga Brodkasters ng Pilipinas (KBP) ang kahandaan sa pag-host ng pinakahuling presidential at vice presidential debates, sa kabila ng maikling panahon lang matapos nilang matanggap ang abiso.
Magugunitang nagkaaberya ang dating partner ng poll body dahil sa venue, kaya naghanap ng bagong katuwang ang komisyon para humawak ng nasabing event.
Ayon kay KBP national president Herman Basbaño, dati nang naging magkaagapay ang Comelec at ang kanilang grupo noong mga nakaraang debate, kaya wala silang nakikitang problema para sa paghawak ng isa pang malaking aktibidad.
“Lagi naman tayong bukas na makatulong. Matagal na rin naman ang partnership ng KBP sa Comelec. At ito naman ay para sa bayan, so kahit may mga sakripisyo na gagawin, dahil nga short notice ito, kailangan nating tulungan ang Comelec dito…,” wika ni Basbaño.
Makakaagapay din umano nila ang KBP local chapters, kaya mas malawak pa ang mararating ng hosting nila ng event.
Hinimok naman ni Basbaño ang mga kandidato na samantalahin ang pagkakataon para mas marami pang makarinig at makapanood ng kanilang mga plataporma, ngayong KBP na ang katuwang komisyon sa paghawak ng debate.