-- Advertisements --

Bumuwelta si Atty. Nicholas Kaufman laban sa mga nagsasabi na malaki ang kaniyang kabiguan bilang pangunahing counsel ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ay sa gitna ng mga desisyon ng International Criminal Court (ICC) na hindi pumapabor sa kampo ng dating pangulo.

Ayon kay Kaufman, isang ‘exaggeration’ na sabihing nabigo siya sa kaniyang tungkulin.

Inihalimbawa ng lead counsel ang huling desisyon ng ICC-Appeals Chamber laban sa interim release request ng dating pangulo.

Paliwanag ng abogado, halos wala pang nangyayari na pinayagan o pinaburan ang pansamantalang paglaya ng mga nakadetene na nahaharap sa kasong crimes against humanity sa international tribunal.

Kung nagawa sana nilang mapalaya ang dating pangulo, isa sana itong ‘miraculous’ o pambihirang pagkakataon.

Sa kabila ng mga desisyong hindi pumabor sa kaniyang kliyente, tiniyak ni Kaufman na nananatiling isa sa prayoridad ang hangarin nitong maibalik sa PIlipinas nang buhay ang dating pangulo.