-- Advertisements --

Inaprubahan ng House of Representatives sa ikalawang pagbasa ang panukalang Kalinga Act na layong mapabilis ang pagtugon ng pamahalaan sa pagtaas ng presyo ng langis, inflation, at iba pang krisis na nakaaapekto sa pagkain, transportasyon at kabuhayan.

Ayon kay House Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos, magbibigay ang panukala ng mas malinaw na mekanismo para agad makatulong sa mga pamilyang apektado ng mataas na presyo ng petrolyo at pangunahing bilihin.

Sa ilalim ng House Bill No. 9305, maaaring magdeklara ang Pangulo ng national energy emergency kapag lumampas sa itinakdang antas ang presyo ng langis o nagkaroon ng kakulangan sa fuel supply.

Kapag naideklara ang emergency, maaaring magpatupad ang pamahalaan ng ayuda tulad ng cash assistance, fuel subsidy, food at transport support para sa mahihirap na pamilya, manggagawa, tsuper, magsasaka, mangingisda, delivery riders at maliliit na negosyo.

Kasama rin sa panukala ang posibleng pansamantalang suspensyon ng VAT at excise tax sa produktong petrolyo sa loob ng hanggang 60 araw upang mabawasan ang epekto ng taas-presyo sa publiko.