Kasalukuyang nagpapagaling sa ospital ang isang babaeng estudyante na nasugatan sa pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University Junior High School building kahapon, Agosto 19, na ikinasawi ng dalawang estudyante kabilang ang mismong suspek.
Ayon sa Zamboanga City Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, naka-confine ito subalit nasa maayos nang kalagayan.
Base sa inisyal na impormasyon, nakaranas ang 21 iba pang estudyante ng panic attacks at nagtamo ng maliit na galos habang sinusubukang makatakas mula sa pamamaril ng suspek bagamat hindi ito direktang mula sa tama ng bala.
Sa ngayon, suspendido ang klase sa Ateneo de Zamboanga University mula kahapon, matapos ang insidente, para magkaroon ng sapat na panahon na matugunan ang kaligtasan at kapakanan ng mga estudyante at school personnel.
Idinekalara rin ang araw ng pagluluksa at panalangin ngayong Miyerkules kasunod ng marahas na insidente.













