-- Advertisements --

Iba-block ng telecommunication companies (PLDT Inc., Smart Communications Inc. at Globe Telecom) ang mahigit 100 websites na nadiskubreng nagpapalabas ng videos ng school shooting at iba pang extreme violence kasunod ng kamakailang insidente ng pamamaril sa paaralan sa Zamboanga City.

Kabilang din sa haharangin ang wireless arm ng network (Smart), kaya hindi na maa-access pa ng mga subscriber ng telcos ang mga website na natukoy na sangkot sa ganitong aktibidad.

Ayon sa isang opisyal ng telco company (PLDT), nagpasya silang ipagbawal ang ganitong mga uri ng site sa oras na madiskubre ang mga ito at upang hindi maging kasangkapan ang kanilang networks bilang channel para sa content na nagpapakita ng mga karahasan at naglalagay sa komunidad, lalo na ang mga bata, sa panganib.

Ipagpapatuloy naman aniya nila ang pagtukoy at pag-block sa mga kahalintulad na websites sa pamamagitan ng kanilang sariling monitoring at koordinasyon sa mga ahensiya ng gobyerno, sa child protection organizations at parenting communities.