-- Advertisements --

Ipinag-utos ng Philippine National Police (PNP) ang pagbura ng videos at mga larawan may kinalaman sa marahas na pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University junior high school campus nitong Martes, Agosto 18, na ikinasawi ng dalawang estudyante kasama ang shooter at ikinasugat ng anim na iba pa.

Kaugnay nito, inatasan ni PNP chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang Anti-Cybercrime Group na makipag-ugnayan sa social media platforms para i-take down ang mga video at larawan kaugnay ng insidente.

Ipinaliwanag ng PNP chief na nais ng mga awtoridad na mapigilan ang lalo pang pagkalat ng mga sensitibong materyal sa pamamagitan ng pag-repost at pag-share ng mga ito partikular na sa mga menor de edad.

Sa isang pahayag, sinabi ng heneral na isa itong “unfortunate incident” na dapat itrato nang may lubos na pagiingat, lalo na at mga minor ang sangkot sa naturang content. Nanawagan din ang PNP chief sa publiko na maging compassionate sa nangyaring trahediya sa pamamagitan ng pagpapakita ng respeto at pagiging responsableng netizens o socmed users.

Umapela rin ang PNP chief na itigil ang pag-share o pag-repost sa mga video at larawan, at nagbabalang maaaring magresulta ito ng lalo pang pagkabahala sa mga biktima at kanilang pamilya gayundin sa publiko at posibleng makaapekto sa nagpapatuloy na imbestigasyon.

Samantala, inatasan na ang PNP-ACG at iba pang concerned units na imonitor at ireport ang pagkalat ng sensitibong content online.