Posible muling tumaas ang presyo ng mga produktong petrolyo, kabilang ang diesel at gasolina, sa susunod na linggo.
Ayon sa pagtataya mula sa oil industry source, maaaring madagdagan ang presyo ng diesel ng P2.00 hanggang P2.50 kada litro habang ang gasolina naman ay P0.75 hanggang P1.25 kada litro.
Habang ibababa naman ang presyo ng kerosene sa P13.30 kada litro.
Sinabi rin ng source na nananatiling mataas ang presyo ng krudo dahil sa tumitinding geopolitical tensions sa Gitnang Silangan, na nakaapekto sa pandaigdigang suplay ng langis.
Samantala, suportado rin ang pagtaas ng presyo ng gasolina dahil sa kakulangan ng supply at pagbaba ng refinery output sa iba’t ibang bansa.
Dahil sa limitadong suplay ng krudo mula sa Gitnang Silangan, napipilitan umanong gumamit ang ilang refinery sa Asya ng mas mababang klase ng crude oil na hindi akma sa kanilang mga pasilidad.
Karaniwang inaanunsyo ng mga kumpanya ng langis ang price adjustment tuwing Lunes at ipinatutupad ito kinabukasan, araw ng Martes.
Noong nakaraang linggo, nagtaas ang mga oil company ng presyo ng gasolina habang malaki naman ang ibinaba sa presyo ng diesel at kerosene.
















