Inaprubahan ng Kamara de Representantes sa ikalawang pagbasa ang panukalang Anti-Political Dynasty Act na naglalayong ipagbawal ang sabay o sunod-sunod na paghawak ng kapangyarihan ng magkakamag-anak sa iisang lugar.
Sa ilalim ng House Bill No. 8389, hindi maaaring tumakbo o manungkulan sa parehong lokalidad ang mag-asawa o mga kamag-anak hanggang ikalawang antas ng dugo o relasyon.
Kabilang dito ang mga posisyon sa barangay, munisipyo, lungsod, lalawigan, at distrito sa Kamara.
Pinangunahan nina Speaker Faustino “Bojie” Dy III at Majority Leader Sandro Marcos ang panukala na sinuportahan din ng mahigit 170 mambabatas.
Ayon sa mga may-akda, layunin nitong palakasin ang tiwala ng publiko sa pamahalaan at bigyan ng pantay na pagkakataon ang iba na makapasok sa serbisyo publiko.
Kapag naisabatas, obligado ring magsumite ang mga kandidato ng sinumpaang salaysay sa Comelec na nagpapatunay na hindi sila lalabag sa ipinagbabawal na political dynasty.
Ang batas ay ipatutupad sa susunod na halalan kapag ganap nang naaprubahan.









