Binigyang-diin ni Senator Risa Hontiveros na hindi dapat pinoprotektahan ng Senado ang mga miyembro ng kapulungan na may pananagutan sa batas o may kinakaharap na warrant of arrest dahil sa heinous crimes.
Ito ang kasagutan ng senador nang matanong ukol sa pagbibigay ng mataas na kapulungan ng protective costudy kay Sen. Ronald Dela Rosa.
Aniya, walang batas na nagpapahintulot sa Senado na protektahan ang isang senador mula sa kaniyang pananagutan sa batas o umiwas sa anumang legal process.
Kabilang si Sen. Hontiveros sa mga senador na umaapela kay Sen. Dela Rosa na boluntaryong sumuko sa mga otoridad, kasunod ng paglabas ng kaniyang arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC).
Ito ay sa pamamagitan ng Senate Resolution No. 395 na inihain kahapo, May 12, 2026.
Katwiran ni Hontiveros at iba pang pumirma sa naturang resolusyon, walang constitutional authority ang Senado para magbigay ng ‘protective custody’ o ‘sanctuary’ sa sinuman, laban sa mga ligal na pag-aresto, lalo na sa mga mabibigat na kaso.
Una naman itong tinanggihan ni Dela Rosa.
Sa ngayon, kumpirmado nang nakalabas ng Senado ang dating Philippine National Police (PNP) chief na ilang araw ding nanatili sa Mataas na Kapulungan kasunod ng kaniyang ICC warrant.















