Nananatili sa kulungan ang driver-volunteer ng National Bureau of Investigation (NBI) na inakusahang nagpasimuno sa nangyaring shooting incident noong Miyerkules, Mayo 13, sa Senado.
Pormal na kinasuhan sa Pasay City Prosecutor’s Office ang naturang indibidwal na kinilala lamang sa pangalang Mel Oragon, hindi niya legal na pangalan, 44 anyos.
Kabilang sa mga kinakaharap niyang kaso ay limang paglabag sa Revised Penal Code: alarm and scandal, tumultuous disturbance of public order, resistance and disobedience to a person in authority, disturbance of proceedings, at direct assault.
Kinasuhan din siya ng paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, trespassing, at paglabag sa Senate security regulations.
Batay sa inilabas na report ng Southern Police District, naaresto ng Senate security department si Oragon matapos umano niyang magpaputok ng baril sa loob ng Senate building.
Hindi pa malinaw kung anong uri ng baril ang kaniyang ginamit.
Kung babalikan, una nang nilinaw ni Director Melvin Matibag na si Oragon ay isa lamang driver para sa isang handler-agent ng NBI na na-deploy sa GSIS building sa Pasay.
Naideploy ang mga ito kasunod ng letter-request mula kay Government Service Insurance System (GSIS) president at general manager Wick Veloso.
















