KORONADAL CITY – Umaapela ng hustisya ang pamilya ng may edad nang Pinay helper na umano’y minaltratrato ni Philippine Ambassador to Brazil Marichu Mauro.
Ito ang naging reaksyon ng mga kaanak ng nasabing 51-anyos na kasambahay matapos dumating na sa Pilipinas si Mauro.
Naging ugat umano ng pagpapauwi sa ambassador ay ang pananakit nito sa kasambahay na nakunan ng footage kung saan makikita dito ang pananampal, pananabunot ng buhok at iba pa.
Maraming labour groups ang nagpaabot ng kanilang pagkondena sa naturang pangyayari at isa sa kanilang ipinapanawagan ay ang pagtanggal kay Mauro.
Hindi raw kasi ito karapat-dapat sa tungkulin bunsod ng pagmamaltrato sa kababayan.
Tiniyak naman ng Overseas Workers Welfare Administration na makakatanggap ang maltreated Pinay helper ng kaukulang tulong at livelihood assistance.