Inilarawan ng isang eksperto sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na hindi kakayanin ng karamihan sa mga bahay sa bansa ang malakas na lindol dahil karaniwang itinatayo ang mga istruktura gamit ang mga substandard na materyales at walang tulong mula sa propesyunal sa pagpapatayo ng mga bahay.
Ayon kay Rhommel Grutas, supervising science research specialist sa Phivolcs, karaniwan sa maliliit na bahay, ang kinukuha para ipatayo ay foreman o ibang skilled laborers subalit pagdating sa mga materyales kailangan dito ay inhinyero.
Inihalimbawa niya ang mga pader na mahalagang parte ng isang bahay ay dapat na gawa sa anim na pulgadang konkreting hollow blocks. Subalit ang nangyayari aniya maraming kabahayan sa bansa ang gawa sa tinipid na hollow blocks na nasa apat na pulgada lamang o di kaya’y mas mababa pa.
Isa pang inihalimbawa nito ang maraming bahay na hindi sumusunod sa mga requirement sa paglalagay ng columns ng bahay.
Aniya, dapat na may apat na columns bilang standard sa single-story building, kung saan dapat bawat isa ay may diyametrong 16 na pulgada at naglalaman ng mga bakal.
Para maging matibay aniya ang bahay sa mga lindol, sinabi ng Phivolcs expert na dapat na obserbahan ng mga magy-ari ng bahay ang standards gaya ng pagiging mabusisi sa mga materyales na gagamitin at pagsunod sa mga batas at regulasyon gaya ng Building Code.
Ginawa ng eksperto ang pahayag kasunod ng tumamang malakas na lindol sa Cebu na kumitil na ng 72 katao at ikinapinsala ngilang istruktura kabilang ang mga kabahayan.