Permanente nang pinagbawalan na makabisita si Ms. Fides Lim, ang tagapagsalita ng Kapatid, sa mga bilanggo o persons deprived of liberty (PDLs) sa lahat ng pasilidad ng Bureau of Corrections (BuCor) dahil sa paulit-ulit umano nitong paglabag sa mga protocol at hindi kaaya-ayang pag-uugali.
Kinumpirma ito ni BuCor Director General Gregorio Pio Catapang Jr. sa pagdinig ng panukalang budget ng Department of Justice (DOJ) sa Kamara noong Setyembre 16.
Ayon kay Catapang, pansamantalang inalis ang dating ban ni Lim matapos ang kahilingan noon ni Party-list Rep. France Castro, ngunit muli umano itong lumabag sa mga panuntunan, kaya’t tuluyan na siyang ipinagbawal.
Nilinaw pa ni Catapang na ang hakbang ay hindi laban sa grupong Kapatid, kundi para mapanatili ang kaayusan at seguridad sa loob ng mga kulungan ng BuCor.
Dagdag pa niya, maayos naman ang pagtalima ng ibang miyembro ng Kapatid sa mga patakaran, lalo na sa pagdadala ng pagkain sa mga PDLs.