Iginiit ng layers/commuters group na para sa kapakanan ng mga motorista at commuters ang kanilang planong pagsasampa ng class suit laban sa mga sangkot sa maanomalyang flood control projects.
Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay Atty. Ariel Inton, Founder at President ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP), sinabi nito na direktang naaapektuhan ng mga pagbaha ang mga commuters at motorista.
Aniya, dahil sa palpak na mga flood control projects ay marami ang naii-stranded, hindi agad makakauwi o makakarating sa pupuntahan, at nasasayang ang oras ng mga motorista dahil sa traffic.
Ayon kay Atty. Inton, hindi na karaniwang baha ang nararanasan ngayon, kundi resulta ng matinding katiwalian at korapsyon sa gobyerno.
Tinawag pa niyang isang “syndicated thing” ang anomalya sa proyekto na kinasasangkutan ng mga opisyal ng DPWH, ilang mambabatas, at contractors at iba pa na umano’y may koneksyon sa mga nasa kapangyarihan.
“Now, merong lumabas na information of the anomalies of flood control projects na kinasasangkutan ng DPWH officials, ibang legislators, contractors na malapit sa mga nasa kapangyarihan. Some of these contractors are government officials or related to government officials. Makikita natin na this is a sydicated thing, meron pong sindikato,” saad ni Atty. Inton.
Ibinunyag pa ng grupo na may hawak na silang mga testigong may direktang kaalaman, at kasalukuyang inaayos ang mga dokumento para sa pagsasampa ng civil case for damages sa susunod na buwan upang papanagutin ang mga sangkot gamit ang umano’y nakaw na yaman.
Binigyang-diin din nito na may mga saksi na umano silang may direktang kaalaman sa mga iregularidad at kasalukuyan na silang naghahanda ng mga dokumento.
Dagdag pa niya, “This is what we will do and we will file this all over the country. We have some of the witnesses (persons) who have direct knowledge about this kaya inihahanda na naming ito.”
Bagamat may mga imbestigasyong isinasagawa ng gobyerno, iginiit ni Atty. Inton na hindi sapat na umasa na lamang sa mga ito, lalo na’t ang mga sangkot ay hindi umano “ordinaryong mamamayan” gaya na lamang ng mga “politiko at bilyonaryo.”
“Ngayon, alam nating may nangyaring imbestigasyon,however, let’s face it. Etong mga ‘to are not ordinary people. They are mga politicians, bilyonaryo. I think we have to move as ordinary human beings,” dagdag ng abogado.