KORONADAL CITY- Dismayado ang mga miyembro ng KAPA (Kabus Padatoo)-Community Ministry International Inc., na hindi nabanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang ikaapat na State of the Nation Address (SONA) ang tungkol sa plano nito sa kanilang operasyon.
Napag-alaman na bago pa man ang SONA ay naglabas ng pahayag ang ilang KAPA coordinators na asahan umano ng mga miyembro nila na sa SONA ng presidente ay mababanggit ang plano nito sa kanilang investment group at mabibigyan na sila ng basbas na makapagsimula muli ng kanilang operasyon ngayong Hulyo 23.
Gayunman, nabigo na nama muli ang mga miyembro dahil sa fake news na ipinakalat ng kampo ng KAPA.
Nabatid na hindi umano sila tumuloy sa planong kilos protesta kasabay ng SONA kahapon dahil sa posibilidad na makapagpalala lamang sa sitwasyon.
Sa ngayon mas dumami ang dismayadong miyembro na nanawagan kay KAPA founder Joel Apolinario at mga kasamahan nito na sumuko nalang upang maibalik na ang kanilang mga pera.