Naghain ng apela ang kampo ng dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa International Criminal Court (ICC) matapos tanggihan ng Pre-Trial Chamber I ang kanilang hiling na interim release o pansamantalang paglaya.
Kinumpirma ng lead counsel ni Duterte na si Atty. Nicholas Kaufman na inihain nila ang apela “isang linggo na ang nakalipas,” at tinawag niyang “mali” ang naging desisyon ng hukuman.
Sa inilabas na 23-pahinang desisyon noong Setyembre 26, iginiit ng ICC na kailangang manatili sa kustodiya si Duterte upang maiwasang maapektuhan ang imbestigasyon at mga proseso.
Tinukoy din ng hukuman ang posibilidad na siya ay flight risk at maaaring makaapekto sa mga saksi.
Tinanggihan ng ICC ang argumento ng depensa na dapat palayain si Duterte dahil sa edad at kalagayang pangkalusugan nito, at sinabing may sapat na serbisyong medikal sa loob ng ICC Detention Center.
Ngunit ayon sa kampo ng dating pangulo, hindi umano naangkop si Duterte na humarap sa paglilitis dahil sa cognitive decline, ngunit sinabi ng mga hukom na walang sapat na ebidensya upang patunayan ito.
Samantala, suportao naman ni Mamayang Liberal Party List Representative Leila de Lima at ilang human rights groups ang naging desisyon ng ICC, at sinabing patunay lamang umano ito na may sapat na basehan ang kaso laban sa dating pangulo.
Tumanggi namang magbigay ng komento si Vice President Sara Duterte hinggil sa kaso ng kanyang ama, at sinabing nakatuon muna siya sa mga biktima ng lindol sa Davao Oriental.