Umaasa ngayon ang kampo ni Senator Leila de Lima na maibibigay ang hustisya at katotohanan laban sa mga alegasyong ipinaratang sa kanya na may kaugnay sa ilegal na droga.
Kasunod ito ng paglutang muli nina self-confessed Kerwin Espinosa at dating Bureau of Correction (BOC) officer-in-charge Rafael Ragos na kapwa mga testigo sa kaso ni De Lima.
Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines sa abogado ni De Lima na si Atty. Filibon Tacardon, sinabi nito na iginagalang nila ang una nang ipinahayag ni prosecutor general Benedicto Malcontento na walang magiging epekto ang naging pagbawi nina Espinosa at Ragos sa kasalukuyang kaso ng senadora.
Ngunit umaasa aniya sila na maayos na makararating sa korte ang naturang mga salaysay dahil posibleng ito raw ang maging daan upang tuluyan nang ma-dismiss ang kaso ng senadora.
Ayon kay Tacardon ay hindi na raw kataka-taka na lumabas muli si Ragos para itama ang kaniyang naunang naging pahayag dahil umpisa pa lamang ay alam na raw nila na ang lahat ng mga kasong isinampa sa senodora ay pawang mga basura na bunga lamang ng kasinungalingan, panggigipit, pananakot, at panunuhol.
Pero inamin niya na hindi inasahan ni De Lima ang retraction na ginawa ni Ragos dahil sa matagal din daw ito na nakisama sa Duterte Administration at ang testimonya nito ay ang pangunahing dahilan kung bakit nagpapatuloy pa rin ang kaso ng senodora.
Lubos na ikinatuwa naman daw ni Sen. De Lima ang pagsasabi ng katotohanan ni Ragos na patunay lamang aniya na inosente siya laban sa mga paratang na ibinabato sa kanya.
Samantala, sinabi rin ni Atty. Tacardon na matapos na lumabas sina Espinosa at Ragos ay naniniwala sila na mas marami pang mga testigo sa naturang kaso ang ginamit, sinuhuluan, at tinakot lamang para magpahayag ng mga pekeng salaysay laban sa senadora.
Nanawagan siya sa mga ito na sana ay makita raw nila ang liwanag at makakuha sila ng inspirasyon mula sa dalawa upang lumutang na sa publiko para sabihin ang lahat ng katotohanan dahil hindi aniya makatarungan ang limang taon at nagpapatuloy pang pagpaparusa ng kasalukuyang administrasyon kay De Lima para lamang tuluyan siyang patahimikin sa kanyang paglaban sa extra judicial killings at human rights violation ng administrasyong ito.