-- Advertisements --

Kinuwestiyon ng kampo ni Atty. Manases “Mans” Carpio ang pag-otorisa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. (PBBM) sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na ilabas ang kanilang income tax records sa Senate impeachment court.

Ayon sa opisyal na pahayag ng kampo ni Carpio ngayong Biyernes, Hulyo 31, iginiit ni Carpio na dapat isailalim sa judicial review ang naging pag-apruba ng pangulo upang matiyak kung nasunod ang mga tamang proseso sa ilalim ng batas.

Ayon sa kaniyang legal team, ang pagpapalabas ng taxpayer information at ang paggamit ng executive authority ay dapat suriin nang mabuti base sa umiiral na constitutional and statutory framework ng bansa.

Binigyang-diin ng kampo ni Carpio na walang anumang indikasyon o opisyal na ulat mula sa BIR na sila ni Vice President Sara Duterte ay mayroong hindi binayarang buwis o tax assessment deficiency.

Nilinaw niya na ang pagpasa ng mga dokumento sa Senado ay isang administratibong hakbang lamang, ngunit ang halaga at pagtanggap nito bilang ebidensya ay tanging ang Senate Impeachment Court lamang ang may karapatang magpasya salig sa Konstitusyon, kaukulang batas at Rules ng Impeachment Court.

Ginawa ni Carpio ang pahayag matapos aprubahan ng pangulo ang kahilingan ng korte na buksan ang tax records ng mag-asawa kaugnay ng reklamong unexplained wealth laban kay VP Sara.

Sa kabila ng pagkuwestiyon sa legalidad ng kautusan ng Pangulo, tiniyak pa rin ni Carpio na patuloy nilang igagalang ang kapangyarihan ng Senado at susunod sila sa mga legal na proseso ng paglilitis.