Hindi ititigil ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang kampanya laban sa mga rogue cops o pasaway na mga pulis.


Patuloy ang pag monitor sa mga pasaway na pulis lalo na ang mga sangkot sa iligal na droga.

Walang kawala sa Philippine National Police o PNP maging ang mga pasaway nilang kabaro kahit pa nakatutok sila sa latag ng seguridad ngayong panahon ng kapaskuhan.

Ayon kay PNP Deputy Chief for Operations Lt. Gen. Camilo Cascolan, maliban sa mga pasaway na Pulis, tututukan din ng PNP ang mahigpit na kampaniya kontra iligal na droga at krimen habang nakabakasyon ang lahat para sa pasko at bagong taon.

Magugunita kahapon ng umaga, dalawang pulis ang arestado matapos na masangkot sa operasyon ng iligal na tupada o sabong sa San Lorenzo Tala, Caloocan City.

Kinilala ng IMEG o Integrity Monitoring and Enforcement Group ang mga Pulis na sina P Cpl. Mark Joseph Patayan na nakatalaga sa District Traffic Enforcement Unit ng Northern Police District (NPD).

Gayundin si Pat. Randy Yape na nakadestino naman sa District Headquarters Support Unit ng Quezon City Police District (QCPD).

Maliban sa dalawang pulis, arestado rin ang may 31 sibilyan na naaktuhang tumataya sa tupada bitbit ang kanilang mga alagang manok.