Muling nanindigan ang pamunuan ng Kamara na hinding-hindi ito yuyuko ay mananahimik na lamang sa naging desisyon ng Korte Suprema kung saan idineklara nitong unconstitutional ang impeachment complaint na kanilang inihain laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa naging mensahe ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, ibinahagi nito ang kanilang paghahain ng motion for reconsideration sa desisyon ng SC.
Hiniling aniya nila na itama ng Korte Suprema ang kanilang naging unang hatol sa reklamo.
Giit ni Romualdez, mali ang naging pagbasa sa katotohanan ng SC at ito ay sumasalungat sa Konstitusyon ng Pilipinas.
Ayon kay Romualdez, ang aksyon na ito ay hindi laban sa ibang institusyon, kundi pagtatanggol lamang sa karapatan ng taumbayan na papanagutin ang mga government official sa kanilang mga naging hakbang.
Punto pa nito na tumalima ang Kamara sa nakasaad sa Konstitusyon partikular na sa pagpapatotoo at pag-endorso ng reklamo laban sa Pangalawang Pangulo.