Pinangunahan ni House Speaker Martin Romualdez ang paghahain ng resolusyon na naghahayag ng suporta ng Kamara sa ratipikasyon ng Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP).
Batay sa House Resolution No. 728, malaking benepisyo ang ratipikasyon ng kasunduan para makapanghikayat pa ng foreign investment sa bansa at mapalawak ang partisipasyon ng Pilipinas sa larangan ng digital services, business process outsourcing, financial services, aerospace, shipbuilding at research and development.
Ipinunto rin sa resolusyon na mabibigyan ng preferential market access ang Philippine exporters sa ilalim ng tariff liberalization ng kasunduan.
Ang agarang pag-ratipika sa RCEP Agreement ay mangangahulugan na makakabenepisyo rin agad ang bansa sa pinakamalaking pandaigdigang kasunduan sa kalakalan.
November 15, 2021, nang lumagda ang Pilipinas sa RCEP Agreement, isang kasunduan sa pagitan ng mga bansang miyembro ng ASEAN kasama ang Japan, South Korea, China, New Zealand, at Australia.
Sa nasabing kasunduan, luluwagan ng mga bansang kasapi ang kani-kanilang patakaran sa kalakalan at bababaan o aalisin ang buwis na ipinapataw sa mga produkto, serbisyo, investment, at e-commerce mula sa labas.
Ang Pilipinas na lamang ang hindi pa nakakakumpleto sa pag-ratipika ng kasunduan.