Tiniyak ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III na rerepasuhin ng Kamara ang mga patakaran ukol sa pampublikong paglalathala ng Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ng mga mambabatas upang isulong ang transparency at pananagutan sa pamahalaan.
Inihayag ni Dy na bukas naman ang mga miyembro ng Kamara sa ideya at tatalakayin nila ito nang pormal sa panahon ng congressional break.
Ang pahayag ng Speaker ay kasunod ng bagong kautusan ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla na muling binubuksan ang akses ng publiko sa SALN ng mga opisyal ng gobyerno.
Ayon sa direktiba, maaaring humiling ng kopya ang publiko sa loob ng 10 araw mula sa araw ng pagsusumite, basta’t natatakpan ang sensitibong personal na impormasyon.
Sinabi rin ni Remulla na hihingi siya ng kopya ng SALN mula sa Senado at Kamara.
Ayon kay Dy, dati nang bukas sa publiko ang SALN ng mga mambabatas at dapat ibalik ang ganitong sistema.
Nang tanungin kung handa ba siyang manguna sa pagbubunyag ng sariling SALN, tugon ni Dy na kunh kinakailangan ay gagawin niya ito.