Kulang-kulang dalawang linggo bago ang huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte, naglunsad ngayong araw ang Mababang Kapulungan ng Kongreso ng isang website na laan lamang sa mga impormasyon at updates para sa nasabing event.
Ang bagong website na ito ay www.sona2021.ph.
Sa isang statement, sinabi ni Speaker Lord Allan Velasco na ang bagong microsite na ito ng official webpage ng House of Representatives ay maglalaman din ng mga legislative accomplishments ng kasalukuyang administrasyon.
Magkakaroon din dito ng Legislative Performance Report ng Kamara at ilang piling speeches ng mga miyembro ng 18th Congress na naka-compile sa libro na may titulong “In the Name of the People.”
Para naman sa pre-SONA tribute campaign na “Sa Lahat ng Pagbabago, Salamat Pangulo,” maglalagay sila ng mga video mula sa mahigit 200 district at party-list representatives.
Kabilang sa mga mahahalagang batas na naaprubahan sa ilalim ng Duterte administration ay ang universal health care, free tertiary education, expanded maternity leave, at free public internet access at iba pa.
Sa darating na July 26 itinakda ang huling SONA ni Pangulong Duterte.