-- Advertisements --

Mariing itinanggi ni Rep. Rolando Valeriano ng Manila 2nd District ang alegasyon ni Davao City Rep. Paolo “Polong” Duterte na ang mga kongresistang bumoto pabor sa impeachment laban kay Vice President Sara Duterte ay umano’y nasuhulan o tinakot.

Giit ni Valeriano, kung totoo man ang paratang, dapat maglabas ng malinaw na ebidensya si Rep. Duterte upang patunayan ang kanyang mga pahayag.

Dagdag pa ni Valeriano, nakapagtataka na si Polong lamang ang maingay sa isyu, samantalang ang iba pang mga mambabatas na kaalyado ng administrasyong Duterte ay kabilang din sa mga nakinabang sa mga proyekto.

Bilang kapatid ng pinapa-impeach na bise presidente, hindi umano maiaalis ang pananaw na ang hakbang ni Polong ay pagtatanggol lamang sa interes ng kanyang kapatid.

Sa kabila ng mga akusasyon, nanindigan si Valeriano na ang boto ng mga kongresista ay nakabatay sa ebidensiya at sa kanilang tungkulin na panagutin ang sinumang opisyal na lumalabag sa batas.

Binigyang-diin pa nito na ang mga proyekto ay hindi reward, kundi obligasyong ipatupad.

Aniya, nakadepende Ito sa pangangailangan ng distrito na kinakatawan ng isang mambabatas.