Nanawagan si dating Anakalusugan Rep. Mike Defensor na ilagay sa protective custody si Orly Guteza at ang 18 katao na nagpapakilalang dating Marines, na umano’y nagsilbing bagmen ni dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co, upang masiguro ang kanilang kaligtasan at testimonya.
Sa isang press conference nitong Miyerkules, ipinakita ni Defensor ang kopya ng isang 61-pahinang complaint affidavit na aniya’y ihahain ng Office of the Ombudsman laban kina Co at dating House Speaker Martin Romualdez kaugnay ng umano’y katiwalian sa flood control projects.
Ayon kay Defensor, kabilang sa dokumento ang mga testimonya nina Guteza at anim sa 18 na “ex-Marines.” Bagama’t wala pang pormal na kaso laban kay Romualdez, isinama umano ang mga sinumpaang salaysay sa ex parte application ng Ombudsman para sa precautionary hold departure order laban sa kanya.
Pinuri rin ni Defensor ang Ombudsman, partikular si Ombudsman Boying Remulla, sa umano’y pagpapatuloy ng imbestigasyon sa kaso.
Ibinahagi rin ni Defensor ang isang audio recording ng umano’y pag-uusap nina Guteza at ng kanyang asawa noong nakaraang taon, kung saan sinasabi umanong pinipilit si Guteza na idiin sina Defensor at Sen. Rodante Marcoleta sa umano’y binabayaran siya kapalit ng kanyang testimonya.
Magugunitang nawala si Guteza matapos siyang tumestigo sa Senado noong Setyembre, kung saan sinabi niyang naghatid siya ng umano’y kickbacks sa mga ari-ariang iniuugnay kina Co at Romualdez.
Noong Oktubre, nagpasya ang Manila Regional Trial Court na ang affidavit na naglalaman ng kanyang mga alegasyon ay may pirma na hindi tumutugma sa pirma ng abogado na umano’y nag-notaryo nito.
Ayon kay Defensor, bagama’t may ulat na buhay pa si Guteza, hindi nito alam ang kasalukuyang kinaroroonan ng dating Marine. Dahil dito, muling iginiit ng dating kongresista ang panawagan sa Ombudsman na ilagay sa protective custody si Guteza at ang 18 iba pang testigo.
“Hanggang sa ngayon, hindi ko alam kung nasaan siya… sana ay mabigyan siya ng proteksyon, pati na rin ang kanyang pamilya, at maging ang 18 Marines na patuloy pa ring nagtatago,” ani Defensor.
Sinusubukan pa ng Bombo Radyo na kuhaan ng pahayag ang Senado patungkol sa video na inilabas ni Defensor.















