Nagpasya ang National Unity Party (NUP) at Liberal Party (LP) na hayaan ang kani-kanilang mga miyembro na bumoto ayon sa kanilang konsensya sa nalalapit na plenary vote ng Kamara de Representantes kaugnay ng impeachment ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay NUP chairman at Deputy Speaker Ronaldo Puno, walang ipatutupad na party stand ang kanilang grupo upang igalang ang kalayaan ng bawat mambabatas sa pagtupad ng kanilang tungkulin sa ilalim ng Konstitusyon.
Binigyang-diin ni Puno na nananatiling kaalyado ng administrasyon ang NUP, ngunit sa usapin ng impeachment ay dapat manaig ang sariling paghuhusga ng bawat miyembro.
Samantala, kinumpirma rin ni Liberal Party president at dating Deputy Speaker Lorenzo Tañada III na “conscience vote” din ang magiging paninindigan ng kanilang partido. Aniya, napagkasunduan na ito ng kanilang House contingent sa isang meeting noong Marso 3.
Ang pahayag ni Tañada ay kasunod ng desisyon ni Caloocan Rep. Edgar “Egay” Erice na hindi dumalo sa botohan, dahil sa paniniwalang ang isyu ng impeachment ay bunga lamang ng hidwaan ng mga pamilyang Duterte at Marcos.
Sa panig naman ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP), sinabi ni House Assistant Majority Leader Javier Miguel Benitez na may napagkasunduan na ang kanilang partido matapos ang mga talakayan hinggil sa mga pagdinig. Gayunman, tumanggi siyang sabihin ang kanilang magiging boto hanggang sa mismong plenaryo.
Itinanggi rin ni Benitez ang mga ulat na may pananakot o suhulan umano sa hanay ng mga kongresista kaugnay ng impeachment, at iginiit na ang nangyayari ay “consensus building.”
Sa kasalukuyan, may kabuuang 318 miyembro ang Kamara. Kinakailangan ang hindi bababa sa 1/3 o 106 boto upang maaprubahan ang Articles of Impeachment at maipasa ito sa Senado na siya namang uupo bilang impeachment court.
















