Nagkaroon ng marahas na engkwentro sa pagitan ng mga vendor at mga tauhan ng City Ancillary Services (CAS) habang nagsasagawa ng road clearing operation sa prutasan ng Bankerohan Public Market sa Davao City noong Miyerkules.
Sa kumalat na video, makikitang nauwi sa suntukan ang magkabilang panig, kung saan may ilan pang sumali na armado ng pamalo, kabilang ang isang menor de edad. Agad namang naawat ang kaguluhan, ngunit nagresulta ito sa mga sugatan kabilang ang isang tauhan ng City Ancillary na tinamaan sa ulo at isang babaeng vendor na napahiga sa kalsada.
Ayon sa pulisya, nagsimula ang insidente nang kumpiskahin ng clearing team ang mga panindang inilalako sa labas ng itinakdang vending area. Tumanggi umano ang mga vendor na isuko ang kanilang mga paninda, na naging sanhi ng tensyon at kalaunan ay rambol.
Dinala sa San Pedro Police Station ang mga sangkot na vendor at tauhan ng CAS, habang hinihintay pa kung may magsasampa ng kaukulang reklamo laban sa isa’t isa.
Mariing kinondena ng Kilusang Mayo Uno Southern Mindanao Region (KMU-SMR) ang insidente, iginiit na hindi ito isolated case at sinabing nagpapakita ito ng kakulangan ng malasakit sa mga maralitang vendor.
Ayon sa grupo, ang mga vendor ay naghahanapbuhay lamang nang marangal upang matustusan ang kanilang pamilya at regular na nagbabayad ng kaukulang bayarin sa pamilihan.
Samantala, iginiit ng Davao City Government na kinakailangan ang pagpapatupad ng umiiral na mga ordinansa upang mapanatili ang kaayusan at patas na kalakalan. Binigyang-diin nito na dapat ding maprotektahan ang mga vendor na sumusunod sa regulasyon.
















