-- Advertisements --

Iniulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na bumilis pa sa 7.2% ang naitalang inflation rate o antas ng pagtaas ng pangkalahatang presyo ng mga bilihin at serbisyo sa bansa noong Abril ng kasalukuyang taon.

Sa isang pulong balitaan ngayong Martes, Mayo 5, inihayag ni PSA USec. Claire Dennis Mapa na ito na ang pinakamabilis na inflation na naitala sa nakalipas na tatlong taon o mula noong Marso 2023 na nasa 7.6%.

Ipinaliwanag ni USec. Mapa na ang pangunahing nakapag-ambag sa pagsipa ng inflation noong nakalipas na buwan ay dahil sa pagtaas ng presyo ng mga pagkain at langis.

Pinakamalaking contributor sa pagtaas ng inflation sa food items ay ang bigas na malaki ang itinaas, sinundan ng isda at meat.

Pagdating naman sa transport, tumaas ng 124% ang presyo ng diesel habang ang gasolina ay sumipa sa 60.5%.

Samantala, ang inflation noong Abril ay lumagpas sa forecast ng Bangko Sentral ng Pilipinas na nasa pagitan ng 5.6% at 6.4%.

Gayundin mas mataas ito sa 2% hanggang 4% na target ng pamahalaan.