Upang maibsan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo at pagdami ng mga stranded na pasahero, isinusulong ngayon ni Senator Erwin Tulfo sa gobyerno at pribadong sektor ang muling pagpapatupad ng work-from-home (WFH) arrangement at ride-sharing.
Ayon sa mambabatas, malaking tulong ang mga nasabing hakbang upang makatipid sa enerhiya ang mga kumpanya at mabawasan ang gastos sa pamasahe ng mga manggagawa.
Ipinaalala ng senador na napatunayan nang epektibo ang nasabing sistema noong panahon ng COVID-19 pandemic, kung saan maging ang edukasyon ng mga estudyante ay isinagawa nang online.
Para naman sa mga manggagawang kinakailangang pumasok nang pisikal sa trabaho, iminungkahi ni Tulfo ang carpooling upang maghati-hati sa gastos sa gasolina.
Ang panawagang ito ay kasunod ng naobserbahan ng senador sa mga kalsada kung saan pahirapan ang pagko-commute ng publiko.
















