-- Advertisements --

Pumalo na sa higit 400 mga gasoline stations sa buong bansa ang naitalang nagsara ng Philipline National Police (PNP) sa gitna yan ng patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo at produktong petrolyo.

Ayon kay PNP Spokesperson at Public Information Office Chief PBGen. Randulf Tuaño, halos nadoble ang bilang na ito mula sa higit 270 na mga naitalang nagsarang gasolinahan nitong nakaraang linggo.

Batay naman sa datos, higit sa 14,300 na gas stations sa buong bansa pa ang patuloy na minomonitor ng Pambansang Pulisya upang mapigilan ang banta ng profiteering at hoarding.

Sa kabilang banda, katuwang ang Department of Energy (DOE), iniimbestigahan na ng mga otoridad ang dahilan sa likod ng pagsasara ng mga gasolinahan upang matiyak na wala itong kaugnayan sa pananamantala o pagtatago ng supply.

Samantala, nauna na rito tatlo na ang nasampahan ng kaso kaugnay ng iligal na pagbebenta ng langis, hoarding at profiteering na siyang naitala sa Nueva Vizcaya at Eastern Samar at sa Albay.