Tinutulan ni Marikina 2nd District Rep. Miro Quimbo at chairperson ng House Committee on Ways and Means na tanggalin ang Value-Added Tax o VAT sa langis para lamang mapababa ang presyo ng produktong petrolyo.
Ito’y sa kabila ng patuloy na mga panawagan tanggalin na para sa madalian at agaran ginhawa ng publiko ngayong may krisis sa gasolina.
Giit niya’y may epekto ito hindi lamang sa kita ng gobyerno kundi pati sa ‘credit rating’ ng Pilipinas.
“Ang epekto niyan, hindi lang ang kawalan ng government revenue but more significant na hindi nakikita ng marami nakakaapekto sa credit rating natin,” ani Rep. Miro Quimbo.
Naniniwala siyang mahalagang mapanatili ang mataas na credit rating ng bansa sapagkat gamit ito upang matukoy ang ‘interest rates’ na ipapataw sa utang ng gobyerno.
Kung maaalala, inaprubahan ng Kongreso ang panukalang nagbibigay kapangyarihan sa Pangulo na suspendihin o bawasan ang ‘excise tax’ sa mga produktong petrolyo sa gitna ng krisis sa gasolina.
















