-- Advertisements --

Ipinasilip ng liderato ng House of Representatives ang nakahandang detention facility sa loob ng Batasang Pambansa para kay Pastor Apollo Quiboloy sakaling matuloy ang pagpapaaresto sa kanya matapos ipa-cite-in-contempt ng Legislative Franchises Committee.

Pero nilinaw ni House Secretary General Reginald Velasco na hindi lamang ito para kay Pastor Quiboloy kundi maging sa iba pang mga personalidad na ma-cite-in-contempt.

Sinabi ni Velasco naka air conditioned ang nasabing facility at accessible ito sa mga kamag-anak, kaibigan at abogado ng mga indibidwal na nakakulong sa nasabing facility.

May oras lamang ang pagbisita sa umaga alas-9:00 hanggang alas-11:00 ng tanghali at sa hapon alas-2:00 hanggang alas-4:00.

Samantala, hinahanda na ng Kamara ang warrant of arrest para kay Pastor Quiboloy at posible sa susunod na linggo isisilbi na ito ng mga law enforcement agencies partikular ang Philippine National Police (PNP) na inatasan para i locate si Pastor Quiboloy at dalhin sa House of Representatives.

Ang nasabing warrant of arrest ay lalagdaan ng Franchise Committee chairman na si Rep. Gus Tambunting o maari din lumagda si Speaker Martin Romualdez o ang house secretary general.