-- Advertisements --

Tiniyak ng House of Representatives ang kahandaan sa isasagawang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte, matapos nitong sagutin ang mga hinihinging dagdag na impormasyon ng Korte Suprema at patunayan na sumunod sa Konstitusyon ang impeachment proceedings.

Ang pahayag ay kasabay ng paghahanda ng Senado na umupo bilang impeachment court at simulan ang paglilitis sa Agosto 4, isang linggo matapos ang ikaapat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Iginiit ni Abante na tapat na sinunod ng Kamara ang mga itinakdang proseso sa ilalim ng 1987 Constitution, at tiniyak na ang lahat ng reklamong impeachment ay dumaan sa tamang paraan.

Binanggit rin ni Abante na panahon na para sa Senado na gampanan naman ang kanilang tungkulin sa ilalim ng Saligang Batas.

Kinumpirma rin ng Kamara na tumalima na ito sa utos ng Korte Suprema na magsumite ng dagdag na impormasyon kaugnay ng impeachment ng Bise Presidente.

Ayon kay Abante, ang Office of the Solicitor General, bilang abogado ng Kamara, ang nagsumite ng kinakailangang dokumento online at naipadala na rin ito sa lahat ng kinauukulan, habang ang physical copy ay isusumite sa Korte Suprema.

Sa isinumiteng sagot, iginiit ng Kamara na ang lahat ng apat na reklamong impeachment ay dumaan sa tamang proseso ayon sa itinakda ng Saligang Batas.

Ang tatlong naunang reklamo ay isinama sa Order of Business sa loob ng itinakdang sampung araw ng sesyon.

Habang ang ikaapat na reklamo, na pinirmahan ng higit sa ikatlong bahagi ng mga miyembro ng Kamara, ang naging Articles of Impeachment na agad ipinadala sa Senado, kaya’t nawalan ng bisa ang mga naunang reklamo at isinantabi na lamang.

Ang Articles of Impeachment, na inendorso ng 215 miyembro ng Kamara at pinagtibay ng plenaryo noong Pebrero, ay naglalaman ng mga paratang laban kay VP Duterte kabilang ang graft and corruption, bribery, betrayal of public trust, at iba pang mabibigat na krimen.