-- Advertisements --

Maaaring iangat sa mas malawak na proteksyon sa pagkalugi ang mga magsasaka at mangingisda matapos aprubahan ng House of Representatives sa third and final reading ang panukalang batas na magpapalakas sa Philippine Crop Insurance Corp. (PCIC).

Sa ilalim ng House Bill No. 10365, hindi na lamang palay at mais ang maaaring saklawin ng crop insurance kundi pati high-value crops, livestock, aquaculture at fishery products, agroforestry crops at forest plantations.

Maaari ring isama sa insurance ang mga makinarya, kagamitan, transport facilities at iba pang agricultural infrastructure, gayundin ang life at accident term insurance para sa mga magsasaka at mangingisda.

Layunin ng panukala na mas mabilis na makabangon ang mga benepisyaryo mula sa epekto ng bagyo, iba pang kalamidad, sakit ng halaman at hayop, pati peste at iba pang pagkalugi.

Naipasa ang HB 10365 sa boto na 201 pabor, zero tutol at zero abstention.

Ayon kay House Speaker Faustino “Bojie” Dy III, mahalaga ang mas matibay na insurance system upang hindi mauwi sa pagkakautang ang mga magsasaka sa tuwing tatamaan ng kalamidad ang kanilang kabuhayan.

Sa panukala, maaari ring magpatupad ang PCIC ng parametric o index-based insurance at iba pang makabagong insurance products, habang pinananatili ang government premium subsidies para sa mga kwalipikadong subsistence farmers na nagsasaka ng hindi hihigit sa tatlong ektarya.