-- Advertisements --

Iniulat ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na bumuti ang kalidad ng hangin sa buong bansa noong 2024, bunga ng mas pinaigting na kontrol sa polusyon mula sa mga sasakyan at industriya.

Batay sa datos ng Environmental Management Bureau (EMB), bumaba ng 17.4% ang antas ng PM10 (malalaking particle sa hangin) sa Metro Manila mula 46 µg/ncm noong 2016 sa 38 µg/ncm noong 2024.

Sa buong bansa, bumaba ito ng 28.2%.

Mas bumaba rin ang PM2.5, o mas maliliit at mas delikadong particle, ng 37.6% sa Metro Manila, habang sa buong bansa, bumaba ito mula 20 µg/ncm noong 2016 sa 16 µg/ncm noong 2024 — mas mababa sa itinakdang ligtas na limitasyon.

Sinabi pa ng DENR na 65% ng mga pangunahing lungsod sa bansa ay pumasa sa air quality standards, higit sa target na 62%.

Upang mapanatili ang progreso, pinalalakas ng EMB ang implementasyon ng Euro IV emission standards sa mga sasakyan at sinimulan na rin ang paghahanda para sa Euro V standards, na inaasahang makababawas ng polusyon hanggang 95.5%.

Patuloy din ang pagsasaayos ng mga regulasyon sa ilalim ng Clean Air Act upang higpitan ang mga limitasyon sa emisyon mula sa mga planta at pabrika.