KALIBO, Aklan – Patuloy ang ginagawang mahigpit na pagbabantay sa Kalibo International Airport kasunod ng banta ng Omicron variant.
Ayon kay Engr. Eusebio Monserate, Jr. manager ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP)-Aklan, ipinapatupad nila ang mga kinakailangang safety measures laban sa deadly virus matapos ang muling pagtaas ng bilang ng mga pasahero sa naturang paliparan.
Mahigpit na sinusuri ang mga dumarating na pasahero lalo pa at halos kalahati sa mga ito ay mula sa National Capital Region (NCR) na magbabakasyon sa isla ng Boracay.
Inabisuhan umano nito ang mga tauhan ng paliparan na maging istrikto sa pag-monitor sa mga pasahero na maaring infected ng naturang virus.
Sa kabilang daku, sinabi ni Engr. Monserate na nananatiling normal ang kanilang operasyon, kung saan, may tig-isang flight bawat araw ang tatlong airline companies na bumibiyahe sa paliparan.
Kasabay nito ang kanyang pag-apela sa mga pasahero na sundin ang health and safety protocol batay sa ipinalabas na executive order ni Aklan Governor Florencio Miraflores.
Ilan sa mga kinakailangang dalhin sa pagbiyahe ang S-pass, vaccination card o certificate, negative RT PCR test result sa mga hindi pa bakunado o naka-unang dose pa lamang.
Maliban dito, maaaring pagdating na sa paliparan i-check ang naturang mga dokumento ng validating team ng provincial government upang ma-isyuhan ng QR code.
Layunin nito na makaiwas sa aberya ang mga pasahero.