Bakas ang kalungkutan ni Kai Sotto habang pinapanood ang tune-up game ng Gilas Pilipinas kontra Macau Black Bears noong Lunes ng gabi sa Araneta Coliseum.
Bagama’t masigla siyang nakipag-selfie sa mga fans sa halftime, ramdam ang lungkot ng manlalaro habang hindi siya makalaro upang tulungan ang koponan.
Sa ngayon hindi pa maibabalik si Sotto dahil sa patuloy na recovery mula sa ACL injury na kanyang natamo noong Enero habang naglalaro para sa Koshigaya Alphas sa Japan B.League.
Sa kabila ng kanyang kondisyon, nagpahayag siya ng kumpiyansa sa Gilas, na bumangon mula sa 21 points na pagkakalamang ng kalaban at nagtala ng 103-98 panalo.
Mahusay namang ngpakitang-gilas si AJ Edu na nagtala ng 15 points, habang si Kevin Quiambao ay may 14 points at limang rebounds.
Wala pang tiyak na petsa ng pagbabalik si Sotto, ngunit tiniyak niyang patuloy siyang nagpapagaling at positibo ang kanyang pananaw sa kanyang rehabilitasyon.
Kasama siyang lilipad patungong Jeddah, Saudi Arabia sa Huwebes upang sumuporta sa Gilas para sa FIBA Asia Cup.