KORONADAL CITY – Halos hindi makilala ng pamilya at mga kakilala ng Pinay domestic helper (DH) na pinatay ng kanyang mga employer sa Kuwait nang dumating ang bangkay nito sa Norala, South Cotabato kahapon.
Sa esklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Nelly Padernal, tiyahin ni Jeanelyn Padernal Villavende, ang Overseas Filipino Worker (OFW) na pinatay ng kanyang mga amo, halos mawalan ito ng malay nang binuksan ang kahon kung saan nakalagay ang labi ng biktima.
Aminado rin si Nelly na halos hindi niya pinaniwalaan na si Jeanelyn ang bangkay kaya tiningnan pa nito ang mga paa ng biktima at dito napaiyak nang makita ang nunal nito na nagpapatunay na pamangkin niya ang bangkay.
Halos na-deform din kasi ang mukha at ibang parte ng katawan ng Pinay DH.
Idagdag pa rito na puno ng paso ang likod ng biktima na posibleng pinaliguan ito ng kumukulong tubig o di kaya’y pinaso ng plansta.
Naniniwala ang pamilya Villavende na labis na torture ang inabot ng biktima sa kamay ng kanyang mga amo.
Kaugnay nito, binabantayan na ng pamilya ang opisyal na resulta ng National Bureau of Investigation sa isinagawang re-autopsy sa bangkay ni Jeanelyn.
Sa ngayon, nagpapakatatag at naghahanda na ang pamilaya Villavende sa anumang maging resulta ng re-autopsy ara malaman kung totoo ang ipinalabas na autopsy report ng Kuwaiti government.
Kasabay nito ang kanilang panawagan ng hustisya para sa biktima at parusang bitay sa mga suspek.
Kung maaalala, base sa embalming certificate ng biktima ay lumalabas na namatay ito dahil sa “acute failure of heart and respiratory as a result of shock and multiple injuries” sa vascular system.
Ibig sabihin, bumigay ang puso at baga ni Villavende dahil sa pambubugbog sa kanyang katawan at nagkaroon din ng injuries sa ugat.