-- Advertisements --

Itinuturing umano ni Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla bilang “pagsubok” upang makita kung paano nito haharapin ang sensitibong bagay ag may kinalaman sa pagkakaaresto ng kaniyang panganay na anak matapos na masangkot sa importasyon ng nasa P1.3 million halaga ng high-grade marijuana.

Ayon sa Justice chief ito ay pagsubok lamang sa kanilang pamilya, sa kaniyang mismong sarili at pagsubok sa ating bansa.

Muling sinabi ni Remulla na bilang Justice department chief, hahayaan nitong gumulong ang hustisya.

Sinabi din ng Justice chief na hindi siya humingi ng pabor mula sa sinuman nang malaman nito ang nangyari sa anak liban sa pagkuha ng abogado para madepensahan sa kinakaharap na kaso ng kaniyang anak.

Una rito, naisampa na ang kaso laban sa panganay na anak ni Remulla na si Juanito Jose Remulla III, sa Office of the City Prosecutor-Las Piñas City noong Oktubre 13 ayon pa sa Philippine Drug Enforcement Agency.

Ang 38-anyos na anak ni Remulla ay haharap sa mga kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Customs Modernization and Tariff Act.