Sumakabilang-buhay na sa edad na 61 si dating Pangulong Benigno Simeon “Noynoy” Aquino III .
Ayon sa isang senior Cabinet official noong administrasyon ni dating Pangulong “Cory” Aquino, alas-4:30 ng madaling araw kanina nang bawian ng buhay si Noynoy habang naka-confine sa Capitol Medical Center sa Quezon City.
Maging ang kaanak ng pamilya Aquino na tumangging magpakilala ay kinumpirma na rin ang pagpanaw ng ika-15 pangulo ng bansa.
Una rito, bandang alas-9:00 ng umaga ay namataan na rin sa nasabing ospital ang bunsong kapatid ni P-Noy na si Kris Aquino ngunit tumangging magbigay ng pahayag.
Kilalang “chain smoker” o malakas manigarilyo ang dating pinakamataas na lider ng Pilipinas.
Binansagan noon bilang si “P-Noy,” nagsilbi siya bilang pangulo ng bansa noong June 30, 2010 hanggang June 30, 2016.
Ipinanganak noong February 8, 1960 at kabilang sa 4th generation ng pamilya ng mga politiko.
Ang kanya ama ay ang yumaong si dating Sen. Benigno “Ninoy” Aquino at ang ina naman ay si Cory na naging presidente rin ng Pilipinas sa pagitan ng 1986-1992.
Nagsilbi rin siyang congressman ng 2nd District ng Tarlac sa pagitan ng 1998 hanggang 2007 at naging Deputy Speaker ng House of Representatives noong November 8, 2004.
Matapos ang kanyang termino bilang kongresista, tumakbo siya sa pagka-senador at nanalo naman noong May 2007.
Noong September 1, 2009 sa isang press conference, inanunsyo ni Senator Mar Roxas, na noo’y presidente ng Liberal Party, ang kanyang pag-atras sa 2010 presidential elections at inindorso si Aquino.
Pagsapit ng 2010, nanalo siya bilang pangulo kung saan sinundan niya si dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.