Napipisil umano ng liderato ng NBA ang Hulyo 31 (Agosto 1, oras sa Pilipinas) bilang petsa kung kailan posibleng ipagpatuloy ang mga laro sa sinuspindeng 2019–20 season bunsod ng coronavirus pandemic.
Batay sa ulat, sinabi na umano ni NBA commissioner Adam Silver ang nasabing pahayag sa mga team owners.
Gayunman, wala pang napaplantsa ang NBA na format para makumpleto ang season.
Isa raw sa mga opsyon ang pagpapabalik sa lahat ng 30 teams para kumpletuhin ang nalalabing bahagi ng regular season bago idaos ang playoffs.
Pero ayon sa mga tagapagmasid, malamig daw ang karamihan sa mungkahi lalo na sa mga teams na laglag na sa post-season contention.
Kabilang din sa mga tinatalakay ang paghaharap ng 20 teams sa isang pool play na hango sa istilo ng World Cup, na umano’y magsisilbing unang round ng playoffs.
Una rito, kinumpirma ng NBA na nakikipag-usap na raw sila sa The Walt Disney Co. kaugnay sa paggamit ng pasilidad ng kompanya sa Florida bilang campus para sa mga laro, ensayo, at housing para sa mga players.
Sa ngayon, pinayagan na ang mga NBA players na magtungo sa kanilang mga team facility para magsagawa ng solo workouts, ngunit nakatalima pa rin sa protocols.