-- Advertisements --

Nilinaw ng Actor at recording artist na si Julian Estrada ang mga usap-usapan hinggil sa kinasangkutang insidente kasama ang kanyang pinsang si Jelo sa Boracay noong Sabado.

Sa isang Facebook post, ibinahagi ni Julian ang larawan ng kanyang may pasa sa kaliwang mata at iginiit na hindi siya nakipag suntukan, kundi isang “unprovoked attack” o walang-saysay na pananakit umano.

Kwento pa ng aktor na pauwi na umano sila ng kanyang pinsan nang may bigla na lang umanong lumapit sa kanila at bumulong pagkatapos ay sinundan na raw sila ng sunod-sunod na suntok.

Idinetalye pa ni Julian na isang grupo ang nambugbog sa kanila at wala din umano silang kinasangkutang ‘rambol.’

‘This wasn’t some bar fight. We weren’t looking for trouble and we sure as hell didn’t start any but it’s easier I guess for strangers to believe the version that fits their bias,’ ani Julian sa kanyang post.

Dagdag pa niya na maraming tao ang naniniwala agad sa mga kwento na nakahanay sa kanilang pananaw, kahit wala aniya sila sa pinangyarihan.

‘It’s easier to hate than to ask what really happened. So before you speak on someone else’s pain, make sure you know the truth because what you say says more about you than it ever will about me,’ dagdag ni Julian.

Nagpasalamat din si Estrada sa mga sumuporta at nagpakita ng malasakit sa kanya, sabay sabing kailangan niya ng pahinga at patuloy na ipagpapatuloy ang kanyang mga ginagawa sa buhay.

Samantala, kinumpirma ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada, ama ni Julian, na ang kanyang anak at pamangkin ay inatake sa Boracay pasado hatinggabi ng Sabado habang paalis sa isang establisyemento.

Ayon kay Estrada, naaresto na ang mga sangkot sa insidente at sinampahan na ng kaukulang reklamo ng mga awtoridad.