-- Advertisements --

Ipinakita muli ni Filipino-American NBA star Jordan Clarkson ang kanyang suporta sa kapwa atletang may dugong Pinoy ng manood siya sa laban ni Filipino-Canadian tennis star Leylah Fernandez sa US Open sa New York.

Kung saan matagumpay na naipanalo ni Fernandez ang unang round laban kay Rebecca Marino, 6-2, 6-1. Matapos ang laban, ibinahagi niya sa Instagram ang litrato nila ni Clarkson at sinabing, “Great meeting you yesterday!!”

Bukod kay Fernandez, pinuri rin ni Clarkson ang tagumpay ng Filipina tennis prodigy na si Alex Eala, na gumawa ng kasaysayan bilang kauna-kunahang Filipina na nanalo sa US Open main draw matapos talunin si Clara Tauson ng Denmark.

Hindi ito ang unang pagkakataon na sinuportahan ni Clarkson si Fernandez—noong nakaraang buwan ay napanood din siyang nasa player’s box ni Fernandez sa Wimbledon.

Ikinatuwa naman ni Fernandez ang pagkakaroon ng koneksyon sa kapwa atleta na may dugong Filipino tulad nina Clarkson at Eala, at sinabi niyang may mutual respect sila ni Eala tuwing sila’y nagkikita.

Samantala parehong umabante sa ikalawang round ng US Open sina Fernandez at Eala.