Kumamada ng 25 points si Nikola Jokic at dinuplika rin ang team playoff high na 19 rebounds upang pamunuan ang Denver Nuggets sa 124-98 pagtambak sa Portland Trail Blazers at makamit ang 3-2 abanse sa kanilang best-of-seven semifinal showdown.

Hindi rin nagpahuli si Paul Millsap na tumipa ng 24 points para sa Nuggets kung saan 19 dito ay kanyang ibinuhos sa first half.

Posible nang masibak ng Denver ang Blazers sa Game 6 na gaganapin sa Portland, para makatuntong na rin sila sa Western Conference finals sa unang pagkakataon sa loob ng isang dekada.

Hindi kailanman nilingon ng Nuggets ang Blazers at napalawig ang kanilang anim na puntos na lamang sa first quarter sa 18 sa half, at 28 pagpasok ng huling yugto.

Umabot din hanggang sa 31 ang kanilang abante bago palitan ng mga backups ang mga starters ng Nuggets.

Bumandera naman sa Portland si Damian Lillard na humugot ng 22 points, na inalat din sa downtown makaraang magtala lamang ng 2 of 9.