-- Advertisements --

LEGAZPI CITY- Emosyunal na nanawagan ng tulong ang asawa ng isa sa Pinoy seamen na nawawala hanggang ngayon matapos na lumubog ang sinasakyang cargo vessel sa Japan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Cielo Marie Fernandez, ibinahagi nito na bago ang insidente ay nakatawag pa ang kanyang asawa na papasok na ito sa trabaho at ‘di inaakalang ‘yon na pala ang huli nilang pag-uusap.

Umaasa si Cielo na buhay pa rin ang kanyang asawa dahil nakatoka ito sa mga life saving equipment kaya siguradong mas alam nito ang mga dapat na gawin sa ganoong sitwasyon.

Nanawagan din ito sa mga otoridad na tulungan siyang makausap ang unang Pinoy na na-rescue dahil kaibigan nito ang kanyang asawa at posibleng alam kung ano ang nangyari sa kabiyak.

Nabatid na na-wash out ang barko dahil sa lakas ng alon na epekto ng bagyo sa bahagi ng Japan.

Umapela rin ito na pabilisan pa ang rescue operation sa mga nawawalang mangingisda upang maisalba pa ang buhay ng mga ito.