Kasalukuyan nang nagpapagaling sa pagamutan ang influencer at boksingerong si Jake Paul matapos ang knockout loss sa kamay ni Anthony Joshua.
Naglabas ng ilang larawan ang YouTuber na ngayo’y heavyweight fighter at ipinakita ang kaniyang panga na sumailalim sa matagumpay na operasyon.
Ayon kay Paul, dalawang titanium plates ang ikinabit sa magkabila niyang panga.
Tinanggalan din siya ng ilang ngipin sa naturang operasyon.
Kasunod ng operasyon ay pinagbabawalan muna siyang kumain ng anumang ‘solid food’. Magtatagal ito ng pitong (7) araw, mula matapos ang operasyon.
Maalalang sa naging laban nina Joshua at Paul ay apat na beses na na-knockdown ang huli hanggang sa tuluyan na siyang bumagsak sa ika-anim na round matapos basagin ni Joshua ang kaniyang panga.
Dapat ay magtatagal ang laban sa loob ng walong round, batay sa nakatakda sa kanilang pinirmahang kontrata.
Ito ang ikalawang pagkatalo ni Paul sa loob ng 14 professional fights na kaniyang pinagdaanan.
Sa 12 panalo ng YouTuber, pito rito ay pawang mga knockout.















